ilan lamang sa mga katanungan sa aking buhay na magpasa-hanggang ngayon ay nananatiling mga katanungan at patuloy na naghahanap ng kanilang kasagutan:
1. bakit ako lamang ang pinalad na hindi naging mapusyaw ang kulay ng balat sa lahat sa aming magkakapatid? ako'y pang apat sa anim. ito ba'y nangangahulugang saka lang natanggap ng nanay ko ang hitsura ng tatay ko nung ako na yung ginagawa nila?
2. bakit ang langaw na lumilipad sa loob ng dyip ay hindi naiiwan gayong ito'y parang nakatigil lamang sa ere?
3. ang elepante pag namatay ay nilalanggam, ngunit totoo bang ang langgam pag namatay ay ini-elepante?
4. totoo bang kailangang matulog sa hapon para lumaki? kung totoo yun, anong nangyari kina mahal, mura, dagul at weng-weng, bakit sila maliliit? dahil ba sila'y ulila (walang nagpalaki) o nung sila'y mga bata pa ay hindi nakinig sa kanilang mga magulang (naalala ko ang mahigpit nilang paalala, "matulog ka ngayong hapon para lumaki ka!")? buti na lang ako'y may mga magulang. at ako'y nakinig, natutulog ako dati sa hapon.
5. eh si presidente gloria? subalit siya nama'y may mga magulang. marahil ay marami siyang bulate sa tiyan nung bata kaya nawalan ng sustansiya. at ayaw magpa-purga.
6. bakit si joker aroyo "joker" ang pangalan gayong napakaseryoso naman niyang tao? nakita niyo na ba siyang nagbiro?
7. tama ba namang ang dati nating arsobispo, ang puno ng simbahang katolika sa pilipinas ay "sin" ang apelyido? hindi ba kasalanan ito sa paningin ng Diyos at sa pandinig ng mga amerikano?
8. bakit ang pinoy mahilig mag-alok ng pagkain ("kain tayo") ngunit pag ika'y umupo para makikain na ay masama na ang tingin sayo? o pag ika'y mas minalas malas ay lalayas pa sa harap mo at dala ang pagkaing inalok niya?
9. bakit pag ginupit mo ang kuko mo sa paa (lalo na yung sa pinakamalaking daliri) bago mo itapon ay inaamoy mo pa kahit wari mong ito'y may hindi kaaya ayang amoy? wag niyong sabihing hindi niyo ito ginawa kahit minsan.
10. eh bakit pag yung kuko sa paa na ng iba ang ginupit at ipaamoy sa'yo eh ayaw mo na? at parang nandidiri ka pa pag nakita mo silang inamoy nila?
11. bakit sa inuman, ang unang nalalasing sa grupo ay yung unang maririnig mo na nagpupumilit, "hindi ako lasing."
12. bakit sa kantang "bohemian rhapsody" ng The Queen ay hindi ko mahanap sa mga letra niya ang kanyang titulo? bakit hindi na lang kasi "mama" ang naging titulo nung kantang yun? "mama, just killed the man..." o diba?
13. bakit ang lalaki, habang tumatanda, mas pabata ng pabata ang gustong babae? yun din kaya ang dahilan ng mga matrona?
14. bakit ang lalaki, bago o habang umiihi ay dumudura muna?
15. bakit ang aso bago humiga ay lumalakad muna ng paikot?
16. ang mga langgam ba ang pinakatsismosong mga insekto? pansinin ninyo pag sila'y nagkakasalubong, pakiwari mo'y nagbubulungan muna ng tsismis bago tumuloy sa patutunguhan.
17. bakit si mike enriquez ganon magsalita? ah basta, panoorin niyo na lang siya sa 24 oras! proud kaya ang mga taga-lasalle sa kanya? yung mga ka-batch niya siguro oo. eh tanungin kaya natin yung mga kabataan ng lasalle ngayon. yung mga pa-sosyal.
18. bakit ang mga pinoy ay sadyang matitigas ang ulo? kung ano ang siyang pinagbabawal ay kating kati nating gawin. tulad na lang ng pagtawid sa edsa o expressway. may nakalagay na ngang karatula na "bawal tumawid. nakamamatay."
19. bakit matigas ang ulo? eto pa. nung minsang may nakasalubong akong tao na sa kanyang damit ay may nakasulat sa harapan na "anong tinitingin tingin mo?", hindi ko pinahalata na binasa ko. pero nung lumampas na siya sakin, pinilit ko pa ring tignan baka may nakasulat sa likod. mayroon nga, "o, titingin pa eh!!"
20. bakit natsi-tsismis si papa Piolo Pascual na bading?
21. bakit nung mga bata tayo (o kami) ang larong sipa, pwedeng gamitan ng tuhod o kamay (sa may bandang siko)? eh bakit pag sinipa ako ng tatay ko, paa lang talaga ang gamit niya?
22. bakit yung isang kaklase kong lalaki nung grade 4, ang bilis niya magsulat pero pag pinabasa mo na sa kanya hindi niya mabasa ang sarili niyang sulat? buong taon ganon siya.
23. si erap, bakit hanggang ngayon eh nagsusuot pa rin siya nung wrist band niyang malapad? totoo bang hanggang ngayon eh hindi niya pa rin matandaan kung saan ang kaliwa o kanan niya kaya kailangan niya ng palatandaan?
at marami pang iba. aking ibabahagi sa ibang pagkakataon.
panghuling tanong. bakit ako nagsusulat dito samantalang marami akong trabahong nag-aantay? kaya nga sa susunod na yung iba eh!