eto mga kaibigan, due to insistent public demand, eh inilista ko pa ang iba kong mga katanungan. marapat na simulan ko ulit patungkol sa aking sarili :)
24. bakit lahat ng pangalan ng mga kapatid ko eh Americanized samantalang ang sa akin ay.. uhmm.. kakaiba? at kung alam niyo, bakit kayo natatawa??
25. nung nasa elementarya pa lamang ako, bakit ang pisara ay tinatawag na blackboard samantalang ang tunay na kulay nito ay berde?
26. kailangan bang kape lamang ang dapat inumin kapag nag-coffeebreak? hindi pwedeng softdrinks o juice? (narinig ko lang yan sa dati kong kaklase nung high school).
27. bakit ang mga building hindi naglalagay ng 13th floor? samantalang alam naman nating lahat na ang 14th floor nila eh pang labintatlo talaga yun. pinaglololoko lang ba nila ang mga sarili nila?
28. bakit kaming mga Bisaya (taas noo) ang letrang 'e' ay kapag binigkas nagiging 'i', ang 'i' ay nagiging 'e'? ang 'o' nagiging 'u', ang 'u' nagiging 'o'. halimbawa:
UltraEdit - pag binigkas 'OltraIdet'
Basketball - 'Baskitbul'
Windows Explorer - 'Wenduws Ixplurir'
Keypad - 'Kepad'
Monitor - 'Munetur'
29. hindi ito katanungan, gusto ko lang banggitin. na sa aming mga Bisaya, ang isang salitang ingles ay nagkakaroon ng maraming kahulugan. halimbawa: FACE, pronounced as pis.
- mukha. "you have a beautiful pis."
- kapayapaan. "no to war. yes to pis."
- kung saan ka nakatahan. "anong pis nga kayo sa subdivision nakatira?"
- kamao. "Morales' body was pounded by Pacquaiao's pis the entire round."
kitam. isang salita pa lang yan eh apat na kaagad ang kahulugan sa amin.
30. bakit sa pinoy mas patok ang mga brand names?
- COLGATE (bibili sa tindahan, "pabili po ng colgate, yung pepsodent ha").
- ADIDAS (sa probinsiya ng nanay ko sa Samar, tawag yan sa lahat ng rubber shoes, kahit Nike pa yan, Grosby, Kaypee o Mighty Kid).
- PAL (sa barbecue-han, pakpak ng manok. ala Philippine Airlines).
- WALKMAN (sa barcbecue-han pa rin, tenga ng baboy).
tutal nasa barbecue-han na rin lang tayo, eto pa ang ibang tawag sa mga pagkain dun:
- ADIDAS (paa ng manok)
- KURBATA (leeg ng manok)
- NECKTIE (leeg ng manok at thigh part)
- HELMET (ulo ng manok)
- IUD (ano pa, intestines o mas kilalang isaw)
- BETAMAX (dugo ng manok. yung maliliit na parisukat, parang bala ng betamax!)
31. pinakabastos bang cartoon character si winnie the pooh? eh hindi man lang siya magsuot ng salawal.
32. si Mike Enriquez, bakit ba talaga kasi ganon siya magsalita???? at halos hindi siya humihinto, hindi ba niya nakikita ang kudlit sa binabasa niyang idiot board? mukhang kailangan niya ng breathing exercise. subukan niyo toh:
"mgakapuso,kahitmalamigangpanahonaypatuloynanagiinitangmgatsikanaihahatidsainyongkinapipitagansalaranganngpaghahatidngshowbizbalita,sipiaguanio.pia,pasok!!"
"captainbarbellnapo!!!"
33. bakit ang mga pinoy masyadong malisyoso? nang minsang nagpunta kami ng Zambales, inalok kaming grupo ng mga taga doon upang kumain. sa aming pagtanong kung anong specialty nila nung araw na yun, ang sagot, "binolbol". nagtawanan ang mga kasama ko. eh lugaw po yun! hallleerrr?!?!
34. bakit ang pinoy pag tumuro eh gamit ang nguso? ganon ba tayo katamad iangat ang mga bisig natin?
35. ano ang dahilan ng pagtilaok ng mga tandang? kasi yung mga manok ng kapitbahay namin kahit hapon (natutulog ako) tumitilaok eh. hindi lang sa bukang liwayway nila ginagawa yun, magpasagayon ay hindi dahil nakikita na nila yung araw kaya sila tumitilaok.
36. bakit ang mga batang amerikano ang gagaling mag ingles? bata pa sila nun ha. ako nung bata, onti lang alam ko eh.
37. bakit hindi nagkatuluyan si ate Shena at kuya Bodjie, mga karakter noon sa Batibot?
38. buhay pa ba si manang bola? gusto ko kasing magpahula. itatanong ko lang kung sina papa Sam at si papa Piolo ang magkakatuluyan.
39. bakit ang pinoy masyadong mapamahiin? isang halimbawa: bawal daw magpakuha ng litrato na tatlo lang kayo at matitigok daw yung isa. eh sina Tito, Vic at Joey matagal nang nagpapakuha na tatlo lang sila. ang Apo Hiking Society. ang tatlong gwapings. wala namang nangyari sa kanila. ang tatlong itlog (ay patay na pala lahat yun).
40. bakit sa mga kababayan nating mga Ilonggo, ang toyo tawag nila patis? at inyong pakatandaan, wala silang patis doon. totoo po yan mga kaibigan.
41. bakit ang "soup number five" sa Binondo ganon ang tawag? eh ano yung soup number one hanggang four? meron pa bang pang-anim? nung huli akong um-order, yung panglima lang talaga ang meron sila eh.
42. bakit ang mga kababayan nating Kapampangan, pag ang salita may 'h' nawawala? pag walang 'h' nadadagdagan? subukan niyo ito:
"hang baay hay aapay-apay sa hiip ng anging hamian."
kitam?
43. Kapampangan din ba ang mga magulang ng mga taong kilala ko na ganito ang mga pangalan? Jhimmy. Rhuvie. Rhyan. Ghina. Dhanny. Ehric. Pathrick. Ambeth. Bernadeth. Pinakbeth. parang pagkain yung huli ah.
44. pumunta naman tayo sa pelikulang pilipino. yung mga aksyon movies. bakit pag naghahabulan sa bandang dulo ng pelikula, nagsisimula sa kalsada, tapos mauuwi sa isang malaking bodega? napansin niyo yun? balikan niyo ang mga pelikula nila Lito Lapid, FPJ, Cesar Montano at Tony Ferrer. tapos ang mga pulis saka lang darating pag tapos na yung barilan. bakit ganon?
45. bakit umabot ng limang taon ang soap opera na Mara Clara? at patuloy din namang pinanood ng taumbayan? eh napakadali namang makita nung diary. nasa ibabaw lang nung TV! tsk tsk. lahat ata tayo nagago nung palabas na yun ah. kailan ko lang napagtanto.
46. bading ba talaga si Sam Milby? hmmm. pakisagot nga ako brofish! eh si Eric Santos?
47. eh si Mike Enriquez, kailan niya babaguhin kung paano siya magsalita?? wag na lang. mukhang malalaos siya pag binago niya :)
48. ano ba talaga ang unang araw, Lunes o Linggo?
49. alin talaga ang nauna, itlog o manok?
50. bakit ang pinoy ang hilig magbaligtad ng mga salita at yun ang gagawing pangalan ng kanilang mga anak? halimbawa na lang:
DRANREB - Bernard (yung dating taga That's Entertainment. Belleza ang apelyido)
ROMA - Amor (salitang Espanyol na nangangahulagang "love" sa Ingles)
ANA - Ana (kahit balibaligtarin mo yan ganon pa rin)
PULA-PULA - Lapu-Lapu (alam niyo bang "Pula-Pula" talaga ang pangalan ng ating unang pambansang bayani? ito ay salitang Tausug na ang ibig sabihin sa tagalog ay "mamula-mulang balat". ang mga mananakop na Kastila lamang ang nagbansag sa kanya ng pangalang "Lapu-Lapu"). iyan po ay isang katotohanan mga kaibigan na lingid sa kaalaman ng karamihan sa atin.
51. bakit pag meh nakita kang humikab, kahit malayo siya sayo eh nahihikab ka na rin? kahit hindi ka inaantok. subukan mong humikab ngayon (kahit kunwari lang) at ipakita mo sa kasama mo. tiyak mapapahikab din yun haha :)
52. maaari bang humatsing nang nakadilat ang mga mata? lahat kasi ng taong nakikita kong humahatsing (kabilang na ako doon) ay nakapikit.
o, happy weekend na mga katoto! salamat sa pagbasa sa mga walang kwentang pag-iisip ko :)